2 holdaper bulagta sa pulis

BATANGAS ,Philippines  – Hindi akalain ng dalawa sa tatlong armadong kalalakihan na si kamatayan ang kanilang makakasalubong sa ginawang panghoholdap sa isang off-duty na pulis na kahit nasugatan ay nakipagbarilan sa kanila kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng highway ng Barangay Poblacion 3, Ta­nauan City, Batangas.

Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director ang mga napatay na sina Alex Alvarez at Alvin Espinosa, 21, kapwa nakatira sa Iloilo, Negros Occidental.  

Tugis naman ng pulisya ang nakatakas na holdaper na si Rolando Alvarez na lulan ng motorsiklo.

Sa police report, nag-withdraw ng P830,000 si Juanita Pineda, 60, kasama ang anak na si P02 Joel Pineda, 33, sa sangay ng MetroBank sa JP Laurel Highway nang harangin ng tatlo na lulan ng motorsiklo pagsapit sa may N. Gonza­les Street sa Poblacion bandang alas-3 ng hapon.

Sakay ng Toyota Corolla (WJM-910) ang mag-ina nang paputukan ng tatlo ang unahang gulong ng kotse ni PO2 Pineda at nagdeklara ng holdap, ayon sa inisyal na ulat ng pulisya.

Nang maramdaman ang panganib matapos tamaan sa kanang braso at ang kanyang ina na si Juanita na tinamaan naman sa tiyan ay mabilis namang nakabunot ng baril si PO2 Pineda at nakipagpalitan ng putok sa mga suspek kung saan tinamaan sa braso at tiyan si Espinosa habang sa dibdib naman si Alvarez.

Samantala, ginagamot naman sa Daniel Mercado Hospital ang mag-inang Pineda na nasugatan sa naganap na holdap.

Narekober sa crime scene ang dalawang baril, 7 basyo ng bala ng cal. 45 pistola, 5-basyo ng bala ng cal. 9mm, 3 pang yuping basyo ng bala at isang cellular phone.

Show comments