Misis na OFW, kinatay ni mister
CAMARINES NORTE, Philippines — Isang misis na Overseas Filipino Worker (OFW)na napilitan lamang umuwi sa bansa dahilan sa kaguluhan sa Bahrain ang nasawi matapos pagsasaksakin ng seloso nitong mister sa Brgy. Cagmanaba, Ocampo, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Idineklarang dead-on-arrival sa Bicol Medical Center ang biktimang si Maria Ana Bustarga, 31 anyos sa tinamong malalalim na mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan. Ang biktima ay may dalawang linggo pa lamang simula ng umuwi ito sa bansa galing sa Bahrain.
Kinilala naman ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong parricide na si Alvin Bustarga, 34, ng Brgy. La Purisima Nuevo ng nasabi ring munisipalidad.
Sa panayam ng PSN kay P/Insp. Rustom Dela Torre, Deputy Chief of Police, dakong alas-8:40 ng gabi ng mangyari ang insidente sa tahanan ng kapatid ng biktima sa nasabing lugar.
Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa dahilan nais ng ginang na bumalik muli sa Bahrain bagay na mahigpit namang tinututulan ng mister nito na naghihinalang may kinakasamang ibang lalaki ang ginang na nauwi sa pananaksak sa biktima.
- Latest
- Trending