SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Isang militanteng magsasaka ng Anakpawis Partylist group ang iniulat na napaslang matapos pagbabarilin sa harapan mismo ng kanyang anak kahapon ng umaga sa bayan ng San Mateo, Isabela.
Napuruhan sa ulo si Bonifacio Labasan, 62, miyembro ng grupong Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami) ng Anakpawis at nakatira sa Barangay Bagong Sikat sa bayan ng Ramon.
Napag-alamang lulan ng motorsiklo ang biktima kaangkas ang anak na si Lanie Miguel nang harangin ng motorcycle-riding gunmen.
Dito na pinuntirya sa ulo at tiyan ang biktima sa harap mismo ng kanyang anak kung saan duguang bumulagta.
Napag-alaman na si Labasan, ay nangangampanya laban sa pagpapatayo ng US$120 milyong halaga ng bio-ethanol plant project sa nasabing bayan.
Karamihan sa militanteng grupo ay tumututol dahil mawawalan ng sasakahin ang mga magsasaka kabilang na ang pagpapalayas sa grupong Aeta na naninirahan sa nasabing lugar.
Itatayo ang nabanggit na proyekto sa 11,000-ektaryang lupain sa San Mariano ay maglalabas ng 54 milyong litro ng ethanol kada buwan at tiyak na makakabawas sa polusyon kung ito ang gagamitin sa mga sasakyan.