ZAMBALES ,Philippines — “Trabaho lang, walang personalan,” ito ang mensahe ni Iba Mayor Ad Hebert Deloso sa kanyang mga kritiko na pinalalaki ang usapin at problema sa pamilihang bayan ng Iba.
Ayon kay Deloso, hayagan nang nakikisawsaw sa isyu ng palengke ang kanyang ilang kritiko kabilang ang mga kilala sa politika upang siya ay siraan sa taumbayan.
Nagbabala si Deloso sa mga tindero‘t tindera na iwasang magtayo ng tindahan sa loob ng palengke kung saan hindi binigyan ng permiso para mabuksan dahil sa nakaambang panganib na gumuho.
Gayon pa man, ilang personalidad na politiko ang nagpilit na buksan ang ilang bahagi ng palengke sa kabila ng babala kaya naganap ang trahedya.
Dahil dito, sinabi ni Mayor Deloso na pinag-aaralan na ng kanyang tanggapan ang mga hakbangin upang makasuhan ang lahat ng may kinalaman sa iligal na operasyon ng palengke bago ito nasunog.
Muling nakiusap si Mayor Deloso sa mga mangangalakal na lumipat na sa bagong pamilihang bayan.
Kasunod nito, ipatutupad na ang kaukulang parusa laban sa sinumang lalabag sa ordinansa na nagbabawal na magtinda sa lumang palengke.