100 bahay hinigop ng buhawi

MANILA, Philippines - Umaabot sa 100 kabahayan ang nawasak makaraang higupin ng buhawi noong Martes ng hapon sa Barangay Burias sa bayan ng Glan, Sarangani. Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Florendo Quidilla Jr., nakarinig ng malakas na ugong at kasunod nito ay isa-isang hinihigop ng buhawi ang mga bahay sa nasabing lugar. Maging ang mga puno ng niyog, manga, saging at iba pang mga punongkahoy ay nabuwal. Wala namang naiulat na nasawi at nasugatan kung saan namahagi na ng tulong ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Aabot sa 150 pamilya ang naapektuhan at inilikas sa evacuation centers habang ang iba naman ay nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak.

Show comments