MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa selebrasyon ng kapistahan sa Barangay Bogaoan sa San Carlos City, Pangasinan noong Biyernes ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Narciso Abalos, 48, dating kagawad sa Barangay Bogaoan; Domingo Parayaoan, 46, kagawad sa Barangay Mabalbalino; at si Lucas Bautista, 30, ng Sitio Longos sa Barangay Pagal.
Sugatan naman sina Cristopher Resuello at Barangay Tanod Miguello Abad, 73, kapwa tinamaan ng ligaw na bala habang lulan ng traysikel kasama si Bautista na tinamaan sa dibdib.
Lumitaw na nilapitan at sinuntok ni Abalos ang nakamotorsiklong si Parayaoan may ilang metro ang layo sa dance hall.
Kahit mahilu-hilo si Parayaoan sa pagkakasuntok ay nagawa nitong pagbabarilin si Abalos sa ulo at kanang kilikili.
Ayon kay P/Supt. Marlon Tayaba, hepe ng San Carlos City PNP, isa sa nakasaksi sa krimen ay natukoy ang bumaril kay Parayaoan na si Macoy Cancino na umagaw ng baril ni Abalos.
Narekober sa crime scene ang isang cal. 38 pistola at walong basyo ng bala ng baril. Ricky Tulipat at Phil. Star News Service