LEGAZPI CITY, Philippines – Nabahiran ng dugo ang masayang pamamasyal ng mga bakasyunistang mula sa Maynila makaraang mahulog sa bangin ang van na kanilang sinasakyan na ikinasawi ng isa habang 14 iba pa ang sugatan sa Barangay Bogtong sa Legazpi City, Albay kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang namatay na si Norberto Santillas 54, habang sugatan at naisugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sina Errol Santillas, Maricar Montenegro, Chona Montenegro, Anne Joy Lorenzo, Suzie Suratos, Jeck Suratos, Elizabeth Abion, Edan Portento, James Sencioco, Catherine Godallo, James Paul Sencioco, Mark Santillas, Edna Lorenzo, at ang drayber ng van na si Jessie Sabiga.
Base sa police report, sinundo ang mga biktima sa airport para mamasyal at nag-sight seeing sa Lignon Hill.
Habang pababa ang GT Express van (EVV-627) ni Sabiga ay nawalan ito ng preno kaya bumulusok sa bangin.
Masuwerte naman sumabit sa mga punungkahoy ang van bago lumagapak kung saan namatay si Norberto na naipit sa loob ng van.
Pinagtulungan naman naiahon ang mga biktima matapos rumesponde ang mga tauhan ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office sa pamumuno ni Cedric Daep.