CANDELARIA, QUEZON ,Philippines — Nasugatan ang tatlong pulis na kasapi ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na susunduin lamang ang panibagong suspek sa Ortega slay case matapos na maaksidente ang mga ito sa kahabaan ng Maharlika highway sa Brgy. Malabanban Norte sa bayang ito, kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang inoobserbahan sa United Candelaria District Hospital ang mga biktima na sina Inspector Olegado Salvador Jr., PO2 Pearl Manyl Lamban at SPO1 Rodolfo Marzo Jr. pawang mga miyembro ng Palawan PPO. Ayon kay PO2 German de Villa, dakong alas-11:50 ng gabi ay sakay ng isang kotseng minamaneho ni SPO1 Marzo ang mga biktima upang kunin at dalhin sa Palawan si Armando Reynoso Noel Jr., ang panibagong suspek sa pagpaslang sa radio brodkaster na si Dr. Gerry Ortega na sumuko kamakalawa sa mga operatiba ng Quezon Police sa kanyang bahay sa Sorsogon. Habang binabagtas umano ng kotse ng mga biktima ang nasabing kalye patungo sa Camp Nakar, Lucena City ay nag-overtake sa kanila ang isang pampasaherong bus na nagresulta upang mawalan ng kontrol sa manibela si SPO1 Marzo at bumangga sila sa tindahan na pag-aari ni Johanna Altoveros. Isinugod sa ospital ang mga biktima habang mabilis namang pinaharurot ng driver ang naturang bus patungo sa direksyon ng Lucena City.