Pulis namaril, arestado

CABANATUAN CITY, Philippines  – Isang bagitong pulis ang inaresto ng kanyang mga ka­­samahan sa serbisyo ma­karaang barilin nito ang 29-anyos na lalaki na kanyang nakaalitan dahil sa trapiko sa Barangay Baloc, Sto. Domingo, kamakalawa ng hapon.

Nasa likod ng rehas na bakal ngayon ang abusadong si PO1 Rodel Acosta, 34, may-asawa, miyembro ng Sto. Domingo Police Station, na kasalukuyang nasa schooling ngayon at naka­tira sa Barangay Gen. Luna, Llanera ng lalawigang ito.

Kasalukuyan namang gi­nagamot sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa lungsod na ito ang biktimang si Enrico Gallardo, 29, may-asawa, isang magsasaka ng Barangay Baloc, Sto. Domingo.

Sa imbestigasyon nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon na naganap ang insidente kung saan naipit sa trapiko ang dalawa. Imbes umanong magbigayan ang mga ito ay nagkataasan ng boses na humantong sa pagbunot ng baril ng pulis at pinaputukan ng isang beses ang biktima.

Ang suspek ay dinisarmahan ng cal.45 pistol at isinasalang na sa imbes­tigasyon.

Show comments