MANILA, Philippines - Dalawampu katao ang nasugatan matapos na aksidenteng sumabog ang bodega ng isang pabrika ng paputok na pag-aari ng isang negosyanteng Filipino-Chinese nitong Biyernes ng hapon sa Zamboanga City.
Ayon kay Directorate for Integrated Police Operations-Western Mindanao Director Chief Supt. Felicisimo Khu, dakong alas-3:30 ng hapon ng mangyari sa bodega ng Pacific Industrial Hardware Warehouse na pag-aari ng negosyanteng si Benjamin Chiong sa Nunez Extension St malapit sa isang hospital sa lungsod.
Kabilang sa mga nasugatan na isinugod sa pagamutan ay nakilalang sina Romel Handiman, Maria Sonia Rebela, Evangeline Tuazon, Shairmaine Tubala, Vilma Wasara, Claudia Wasara, Liezle Ann Marie Rena Reda, Merlyn Reyes, Donelyn Dagalea; mga tinukoy lamang sa pangalang Jayson, Kristel, Anthony atbp., pawang nilalapatan na ng lunas sa Zamboanga City Doctors Hospital.
Sa lakas ng pagsabog sa nasabing imbakan ng fireworks at maging ng mga paputok ay lumikha ito ng sunog sa lugar, ayon pa kay Khu.
Base sa impormasyon ang nasabing mga nakaimbak na paputok ay gagamitin sa pagsalubong sa Chinese New Year sa Pebrero 3 na ipinagdiriwang ng mga Filipino-Chinese community sa bansa.
Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.