6 katutubo dinukot, tinodas
RIZAL, Philippines — Ibinunyag kahapon ng mga katutubong Dumagat sa bayan ng Rodriguez, Rizal ang lumalalang kaso ng extra-judicial killing kung saan anim sa kanilang hanay ang pinahirapan at pinatay ng mga armadong kalalakihan na sinasabing tropa ng military at pulisya na nakabase sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Arman Guerrero, tagapagsalita ng mga katutubo, ang grupong Butcher Palparan Battalion at pangkat ng Special Action Force Maneuver Battalion ng pulisya ang pinaniniwalaang nasa likod ng pagpatay sa kanilang mga kasamahang Dumagat.
“Sa loob ang anim na buwang liderato ng bagong administration ay sunud-sunod ang extra-judicial killing sa anim na katutubo,” pahayag pa ni Guerrero.
Kinilala ni Guerrero ang anim na katutubo na miyembro ng Indigenous Tribes of Dumagat na sina Galman Navarte, Demilita Largo, Denita San Jose na pinatay noong July 19, 2010 sa liblib na bahagi ng San Isidro, Rodriguez; Rene Buhawi Resureccion, Junior Asyong at si Cocoy Ilare na sinalvage noong September 30 sa bisinidad ng Barangay Puray sa nasabing bayan.
Inihayag pa ni Guerrero na hawak pa rin ng militar sina Alberto San Jose at Crisanto dela Calzalda na sinasabing inaresto noong Disyembre 2010 at hanggang ngayon ay wala pang kasong inihahain sa korte.
Umapila naman ang mga Dumagat sa mga kinaukulang ahensya ng pamahalaan partikular kay Pangulong Noynoy Aquino na busisiin ang nagaganap na extra-judicial killing at human rights violation sa nabanggit na lalawigan
- Latest
- Trending