Magreretirong opisyal ng DepEd, sinuspinde
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Matapos ideklarang persona non grata ng provincial board, pinatawan naman ng anim na buwang suspensiyon ang school division superintendent ng Department of Education ng Nueva Vizcaya.
Sa 8-pahinang desisyon ng DepEd na nilagdaan ni DepEd Secretary Armin Luistro, suspendido na walang sahod si Dr. Alma Dolores Bodino matapos mapatunayang guilty sa kasong 2 counts of simple misconduct.
Ang pagkakasuspinde kay Bodino ay dahil sa kabiguan nitong sibakin sa serbisyo si Melquides Dela Cueva, dating principal ng Baretbat Elementary School ng Bagabag, Nueva Vizcaya sa kabila ng kautusan na ipinalabas ng DepEd central office.
“Sa halip na sibakin si Dela Cueva ay binigyan pa ito ni Bodino ng leave sa kabila ng kautusan na tinanggal na ito sa serbisyo,” pahayag ni Atty. Alberto Muyot, DepEd usec for legal and legislative matters.
Matatandaan na kinasuhan ng administratibo si Bodino noong 2008 kaugnay sa kawalan ng aksiyon matapos magreklamo ang mga magulang ng isang bata na sinasabing minolestiya ni Dela Cueva noong nasa katungkulan pa ito bilang principal sa Baretbat Elementary School.
Noong 2010 ay idineklarang persona non grata si Bodino ng provincial board matapos magpalabas ng kautusan sa mga tauhan ng DepEd na magsagawa ng malawakang Brigada Eskwela noong May 24 na siya namang araw ng founding anniversary ng lalawigan.
- Latest
- Trending