8-anyos nene pinatay sa gulpi ng ina
CAVITE, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 8-anyos na batang babae makaraang gulpihin, ibalibag sa dingding at plantsahin ang braso nito ng kanyang ina sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Datu Esmael sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Pansamantalang hindi pinabanggit ang pangalan ng bata dahil na rin sa kahilingan ng pamilya habang kalaboso naman ang suspek na si Aida Escano, 29, ng Blk 1, Lot 1, sa nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ni PO1 Ruby Lyn Villorente, naganap ang insidente habang tulog ang ama ng biktima na si Rolando sa labas ng kanilang bahay bandang alas-8: 30 ng gabi.
Napag-alamang matapos gulpihin ng suspek ay ginising nito ang kanyang ka-live-in para dalhin sa ospital ang nangingisay na biktima kung saan hindi na umabot ng buhay.
Ayon pa sa pulisya, kinumpirma ng tiyahin ng bata na si Olivia na nakarinig siya ng kalabugan sa kinaroroonan ng biktima na sinasabing ginulpi bago lumabas at gisingin ng suspek ang kanyang ka-live-in na si Rolando.
Umuugma naman ang pagsusuri ng mga doctor sa La Salle Hospital sa sinabi ng tiyahin ng bata na nasawi dahil sa mga tinamong pasa sa katawan partikular ang sugat sa braso na sinasabing plinantsa.
Dito na dinakma ang suspek habang inihahanda na ang kaukulang kaso.
- Latest
- Trending