MANILA, Philippines - Tatlong British mountaineers ang iniulat na hinoldap ng katutubong Aeta habang nagsasagawa ang mga turista ng mountain climbing sa magubat na bahagi ng Mt. Pinatubo sa Barangay Sta. Juliana sa bayan ng Capas, Tarlac, ayon sa ulat kahapon.
Kabilang sa mga biktima ay sina Selina Turnery, 25; Labrador Turney, 27 at si David Padfield, 26.
Sa ulat na nakarating sa Camp Came, naganap ang insidente sa madawag na bahagi ng kabundukan bandang alas-8 ng umaga may dalawang araw na ang nakalilipas.
Nabatid na nagma-mountain climbing ang mga biktima kasama ang tour guide na si Jun Salazar, 46, nang harangin ng nag-iisang Aeta na armado ng baril.
Pinadapa ang mga biktima sabay tutok ng baril sa tour guide pero bumara ang bala at nabigong pumutok.
Agad namang pinatakbo ni Salazar ang tatlong dayuhan na sa matinding takot ay naiwan ang kanilang backpacks pero ligtas na nakababa sa bundok kung saan naglunsad na ng malawakang operasyon laban sa holdaer.