MANILA, Philippines - Pitong kalalakihan na sangkot sa kidnap-for-ransom group at pambobomba ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon noong Lunes ng hapon sa General Santos City.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Cedric Train, General Santos City PNP director, sinabi nito na ang grupo ay pinamumunuan ni Abosama Gumbay na may operasyon sa Central Mindanao.
Ang grupo naman ni Abdullah Salindatu ang sangkot sa pagdukot sa negosyanteng si Cristina Eleuterio ng Norallah, South Cotabato noong Nobyembre 14, 2010.
Sina Jomar Guiamat, Mohalidin Baguilan at si Teng Sipe ay naaresto sa kahabaan ng highway sa Apopong habang lulan ng kulay abong Mitsubishi van (MBH-138).
Sumunod namang nadakip sina Abdullah Salindatu, Musib Indal, Randy Zamora at si Abosama Gumbay sa kahabaan ng highway sa Purok San Vicente, Brgy. Labangal.
Nabatid na si Zamora ay isa namang notoryus na bomber ng grupo sa extortion activities sa mga negosyante.
Nasamsam sa mga suspek ang dalawang granada, mga baril at ibat’ ibang uri ng bala.