MANILA, Philippines – Nabulabog ng bomb threat ang field trip ng mga estudyante at guro na lulan sa convoy ng 11 mga bus, siyam rito ay napilitang huminto sa kahabaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) malapit sa Clark exit sa Mabalacat, Pampanga nitong Biyernes.
Ayon kay Mabalacat Police Chief P/Supt. Rolly Mendoza, dakong alas-9:30 ng umaga habang magkakasunod na bumibiyahe ang convoy ng naturang mga bus ng makatanggap ng text message si Mrs. Clamar Cadiz, principal ng Infant Jesus Montessori na nakabase sa Dasmariñas, Cavite na may bomba na nakatanim sa dalawa sa 11 bus na kanilang ginamit sa field trip.
Ang mga ito ay patungo sa field trip sa Paradise Ranch sa Calumpang, Mabalacat ng mabulabog ng nasabing ‘bomb threat’. Dalawa sa mga estudyante ay anak ni PM Editor June Trinidad na nag-text sa kanilang ama matapos ang mga itong mahintakutan.
“Sasabog na anumang oras ang bomba, itinanim sa 2 bus na sinasakyan ninyo", anang text message mula sa cell phone number 09125411355 na ipinadala kay Cadiz na agad namang tumawag sa pulisya upang ireport ang insidente.
Hindi nito natawagan ang nasabing cell phone dahilan low bat na siya sa dami ng tawag ng mga nag-aalalang mga magulang na tinext ng mga estudyante.
Bitbit ang mga K-9 dogs ay mabilis namang nagresponde ang mga operatiba ng Special Operations Wing bomb detonating expert ng Philippine Air Force at Mabalacat Police at hinalughog ang mga siyam sa mga bus sa paghahanap ng bomba. Nabatid na nauna na sa lugar ng field trip ang iba sa mga bus.
Gayunman matapos ang ilang oras na paghahanap, bandang alas-12:30 ng tanghali sinabi ni Pampanga Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Petronio Retirado na negatibo ang text message at walang nakuha ni isang bomba sa naturang mga bus.