MANILA, Philippines - Naniniwala si Mindanao State University professor Atty. Ramon Jamerlan na ang wastong solusyon sa isyu ng Environment Code (Envi Code) ng South Cotabato ay dapat pang-ekonomiya at hindi pampulitika.
“Malaking sagabal ang pagbabawal sa open pit mining sa Envi Code dahil ang mga paraang pinapayagan tulad ng pagbutas ng mga tunnel ay maaaring makapinsala sa publiko o pribadong estruktura,” pahayag pa ni Atty. Jamerlan, tagapagtanggol sa karapatan ng mga katutubo sa bayan ng T’boli.
Nadismaya naman ang Tribal Mining Corporation (TMC) na may nakabinbing aplikasyon sa pagmimina sa South Cotabato dahil ang Envi Code ay nakapipinsala sa industriya ng pagmimina.
May panukala ang TMC na magpaunlad ng medium scale copper gold mining project sa T’boli na kalapit bayan ng Tampakan kung saan aabot sa US$5.9-bilyong copper gold project ang Sagittarius Mines, Inc. (SMI) sa pamamagitan ng financial and technical assistance agreement (FTAA) sa bansa.
Ang Tampakan project ang itinuturing na pinakamalaking pamumuhunan sa bansa na kapag nagsimula ang konstruksiyon sa 2016 ay magbibigay ng trabaho sa 10,000 katao at 2,000 trabaho naman kapag mayroong operasyon.
“It threatens the future of multi-million peso investments, a huge loss to government and the host communities as well,” ayon sa opisyal ng TMC na si Doby Bansil.
“Right now, at this stage, 80 to 85 percent of our work force comes from the host communities. Our education, health and downstream livelihood programs will suffer if the Code is implemented.”