MANILA, Philippines - Dalawang negosyante ang iniulat na kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa magkahiwalay na lugar sa Maguindanao at South Cotabato kamakalawa.
Bandang alas-5:55 ng hapon nang dukutin si Rodolfo Chio, 75, sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao.
Narekober naman ang sasakyan ng mga kidnaper na inabandona sa bahagi ng Barangay Balanaken. Si Chio na may-ari ng gasolinahan ay huling namataan isinakay sa bangka sa dalampasigan ng Liguasan Marsh bago tumulak sa direksyon ng Kabuntalan.
Habang kinidnap din ang negosyanteng si Grace Eleuterio kung saan napatay ng armadong grupo ang isang kawani ni Eleuterio na si Melvin Fontillon sa bayan ng Sto. Niño, South Cotabato kamakalawa.
Ayon kay P/Senior Supt. Nilo Wong, sinalakay ng mga armadong kalalakihan ang pag-aari ni Eleuterio na Denmark Transport Cooperative sa Barangay Poblacion saka dinukot ang biktima.
Nagawang magpaputok ng baril ang mga kidnaper habang papatakas kung saan nasawi si Fontillon habang sugatan naman ang dalawang iba pa kabilang ang mister ni Grace.
Narekober naman ang getaway vehicle ng mga kidnaper sa Barangay Panay kung saan huling namataan na patungong Daguma sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Samantala, dalawang guro naman ng Baas Elementary School ang dinukot ng armadong grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf sa bayan ng Lamitan, Basilan kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Gen. Romeo Lustestica, bandang alas-11 ng umaga nang tangayin sina Cecilio Sosas at Merlyn Yacapin. Gayon pa man, pinalaya si Yacapin matapos na mabatid na isa itong Yakan at kalahing Muslim habang patuloy pa ring binibihag si Sosas.
Nagpapatuloy naman ang search and rescue operations upang iligtas ang bihag na si Sosas.