CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawang pulis mula sa Batangas at Laguna ang dinakma matapos mamaril at makapatay ng dalawang babae sa magkahiwalay na karahasan sa Lipa City sa Batangas at Calamba City sa Laguna kamakalawa.
Sinampahan ng kasong murder sina PO3 Roman Kasilag ng Lipa City PNP at SPO1 Julian Atienza ng Calamba City PNP. Si PO3 Kasilag ang itinurong bumaril at nakapatay kay Roselle Malauan, 33, ng Sitio Paraiso, Brgy. Balintawak, Lipa City. Lumilitaw na pinuntahan ni PO3 Kasilag si Malaluan sa boarding house para kausapin pero nauwi sa pagtatalo hanggang sa maganap ang krimen. Nadamay din si John Regalado, 17, matapos tamaan ng ligaw na bala.
Inilagay naman sa restrictive custody sina SPO1 Gerardo Aguilera Mendoza at PO1 Celso Cuevas na kapwa namataan sa nabanggit na lugar habang nagaganap ang pamamaril.
Samantala, arestado rin si SPO1 Atienza matapos iturong bumaril at nakapatay kay Jennyfer Manaig, 29, ng Barangay San Jose, Calamba City, Laguna.
Sina SPO1 Atienza at Manaig ay nagtalo dahil lamang sa parking slot sa Barangay Halang, Calamba City noong Linggo ng gabi.