Personal aide ni Sen. Lacson nadakma

BATAAN, Philippines  –Naaresto ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch, Provincial Investigation Detectives Management Group at pulis-Bagac ang dating driver at personal aide ni Senator Panfilo Lacson sa isinagawang operasyon sa kahabaan ng Governor Linao Highway sa bayan ng Bagac, Bataan kahapon ng tanghali.

Sumasailalim sa tactical interrogation ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Arnold Gunnacao ang suspek na si ex-SPO4 Reynaldo “Rey” Oximoso, 60, ng Barangay Binukawan, Bagac.

Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jaime Salazar Jr. ng Quezon City Regional Trial Court Branch 103 sa kasong multiple murder, si Oximoso ay nadakma ng grupo ni SPO2 Danilo Nasarenosa habang kausap si Barangay Captain Mamerto Boniel.

Si Oximoso  ay unang namataan sa bayan ng Ba­gac noong Linggo habang kasama ang kanyang pamangking barangay kagawad kung saan dumalo pa sa selebrasyon ng mga nanalong barangay opisyal.

Si Oximoso ay kabilang sa bumaril at nakapatay sa limang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa  Purdio St. Cubao, Quezon, City noong Enero 17, 1984 kung saan isa sa napatay ay pinsan ni PNP Chief Director General Raul M. Bacalzo.

Nakumpiska kay Oximoso ang stainless cal. 45 na nakuha sa kanyang sasakyan (RBN 401).

 

Show comments