Bus vs jeepney: 5 pasahero pisak
BATANGAS, Philippines — Lima-katao ang iniulat na nasawi samantalang 23 iba pa ang sugatan matapos magsalpukan ang pampasaherong bus at cargo jeepney sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (Star) Tollway sa bayan ng Ibaan, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Inspector Von Nicasio, hepe ng Lipa City fire department ang tatlo sa limang namatay na sina Gilbert Calaluan, 30, ng Barangay Isla Verde, Batangas City; Marcelo Bagos, 42, ng Barangay Bucal, San Isidro, Tingloy, Batangas at ang konduktor ng bus na si Aben Llanes, 41, ng San Vicente, Albay.
Samantala, dalawang babae na may edad na 50 hanggang 60-anyos, nakasuot ng bulaklaking blouse at maong pants at ang isa naman ay nakasuot ng striped na jacket at t-shirt na may tatak na Winnie the Pooh at maong pants ang nakalagak sa San Fernando Funeral Homes.
Sugatan naman ang driver ng jeepney na si Rodrigo Simon, mga pasaherong sina Ernesto Maralit, 53; Feliza Atienza, 68; Girlie Yabut, 25, call center agent; Lucia Amor, 32; Rogelio Pule, 45; Redelon Gibe, 29; Ronalyn Peradilla at ang driver ng bus na si Rotillo Simon.
Ayon kay Chester Villafuerte, Emergency Response Unit crew ng Red Cross-Batangas, labing-apat na sugatan ang isinugod sa Batangas Regional Hospital, walo sa St. Patrick Hospital at isa naman sa Golden Gate Hospital.
Sa inisyal na ulat, bandang alas-5:30 ng umaga nang sumalpok sa kasalubong na cargo jeepney (DRA-522) ang Jam Bus Liner (DXV511) pagsapit sa Kilometer 98 Star Tollway sa Barangay Quilo Ibaba, sa bayan ng Ibaan.
Nabatid na nag-overtake ang bus na patungong Batangas City mula Maynila nang kabigin ng drayber pakanan matapos masalubong ang jeepney ni Rodrigo Simon at mahulog sa may 25-talampakang lalim na bangin.
Naganap ang trahedya ilang oras bago magbukas ang mga presinto para sa barangay at Sangguniang Kabataan polls.
- Latest
- Trending