Visayas, Mindanao nilindol
MANILA, Philippines – Tatlong magkakasunod na pagyanig ang naramdaman sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao kahapon ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang unang pagyanig sa magnitude 3.6 sa layong 49-kilometro hilagang silangan ng Maasin, Southern Leyte kahapon ng madaling-araw kung saan wala namang naitalang aftershocks.
Samantala, naitala naman ang ikalawang lindol sa magnitude 4.6 may 80-kilometro sa hilagang silangan ng Mati, Davao Oriental.
Ang ikatlong lindol ay naitala sa magnitude na 3.9 sa may 40 kilometro sa hilagang kanluran ng Butuan City, Agusan del Norte kung saan naramdaman sa lakas na intensity 3 sa Butuan City.
Noong Biyernes ay nakapagtala rin ang Phivolcs ng lindol na nasa magnitude-2.4 sa bahagi ng Mindanao kung saan may 24 kilometro sa hilagang kanluran ng Sultan Kudarat. Naramdaman ang lakas ng lindol sa intensity 2 sa mga bayan ng Isulan at Tacurong sa Sultan Kudarat.
Wala namang iniulat na napinsalang ari-arian.
- Latest
- Trending