311 brgy sa Bicol region hotspots
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Umaabot sa 311 barangay ang isinailalim sa Election Watchlist of Areas (EWAS) o hotspots sa Bicol Region kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Oktubre 25.
Ito ang nabatid kahapon kay Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Harold Cabunoc base sa monitoring ng security forces sa rehiyon kung saan 70 ang hotspots habang 241 naman ang idineklara ng Comelec na ‘Areas of Immediate Concern’.
Ayon kay Cabunoc, ikinokonsidera sa unang kategorya o hotspot sa election kapag matindi ang labanan ng mga pulitiko kung saan may presensya ng mga Private Armed Groups (PAGs) habang kategorya 2 naman kapag namumugad sa lugar ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Nangunguna naman sa talaan ang Masbate na may 69 barangay na isinailalim sa unang kategorya at 103 naman ang nasa pangalawang kategorya ng mga hotspots.
Nasa 61 namang Barangay ang isinailalim sa kategorya 2 ng hotspots kung saan ang bayan ng Gubat ang may pinakamaraming bilang na aabot sa 13 at pangalawa ang Sorsogon City, 10 barangay. Idinagdag pa ni Cabunoc na patuloy naman ang paglalansag sa mga Private Armed Groups (PAGs) at pagkumpiska sa mga loose firearms upang mapigilan ang pagdanak ng dugo.
- Latest
- Trending