CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Nagwakas ang sampung taong pagtatago sa batas ng isang most wanted sa Region 4-A sa sangkot sa pagpatay sa mag-utol makaraang maaresto ng mga tauhan ng Region 4 Intelligence Division sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Chief Supt. Nicanor Bartolome, Region 4 police director ang suspek na si Ariel Hernandez na nahaharap sa kasong robbery at double homicide.
Si Hernandez na may patong sa ulo na 140,000 reward ay nagtago sa bahagi ng Barangay Alitaya ay nadakma sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Vicente Landicho ng Regional Trial Court 4th Judicial Region, Branch 12 ng Lipa City, Batangas.
Base sa record ng pulisya, si Hernandez ay sangkot sa pagpatay sa magkapatid na Miguel at Antonio Mandigma noong September 14, 2000 sa Barangay 4, Mataas Na Kahoy, Batangas. Matapos saksakin at mapatay ni Hernandez ang mag-utol ay tinangay pa nito ang mga alahas, baril at P100,000 cash.
“We need to account the wanted persons and effect their arrest to be able to complete the cycle of the criminal justice system,”pahayag ni Bartolome. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso