Adik namalakol: 2 bata todas, 2 pa grabe

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa dalawang bata habang dalawang iba pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos mag-amok at mamalakol ang isang mister na adik sa bawal na droga sa bayan ng Ilagan, Isabela kamakalawa ng hapon.

Sina Adonis Villanueva, 4; at pinsan na si Jean Aluad, 3, ay napuruhan sa ulo ng palakol habang nakikipaglaban naman kay kamatayan at mahigpit na binabantayan ng pulisya sina Mary Ann Ancheta, 19; at Jessa Mangoba, 13.

Arestado naman ang suspek na si Andres Dulnuan, 30, ng Brgy. Pasa sa nabanggit na bayan.

Sa ulat ni P/Supt. Israel Baltazar, hepe ng Ilagan PNP na ipinarating kay P/Senior Supt. Jimmy Rivera, Isabela police provincial director, lumilitaw na nagla­laro ang mga biktima nang mabulabog ang suspek sa loob ng kanyang bahay.

Dito na lumabas ang suspek na nanlilisik ang mga mata at walang sabi-sabi na pinagpapalakol ang mga bata.

Kaagad na napuruhan sa ulo ang magpinsang Villa­nueva at Aluad habang nakatakbo naman sina Ancheta at Mangoba subalit pinaghahabol sila ng suspek at walang awang pinalakol.

Samantala, tatlong iba pang bata ang nakaligtas matapos na makatakbo at makalayo sa mag-aamok na adik.

Pinaniniwalaang nagalit ang suspek sa ingay ng mga biktimang naglalaro kaya lumabas ng bahay ng kanyang live-in partner at isinagawa ang krimen.

Show comments