MANILA, Philippines - Sumuko sa mga awtoridad ang isa sa pangunahing suspek sa pagpatay sa reporter na si Nestor Bedolido na pinagbabaril sa Digos City, Davao del Sur noong Hunyo 19, 2010. Si Voltaire Mirafuentes, 27, ay sinamahan ng kaniyang abogadong si Atty. Arnel Gonzales sa pagsuko sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kamakalawa. Inamin ni Mirafuentes na siya ay isa sa bumaril at nakapatay kay Bedolido ng pahayagang Kastigador. Kasabay nito, ikinanta naman ni Mirafuentes na sina Matanao Mayor Butch Fernandez at Davao del Sur Douglas Cagas ang mga mastermind para patayin si Bedolido bagay na mariin namang itinanggi ng dalawang lokal na opisyal na iginiit na bahagi lamang ito ng black propaganda laban sa kanila. Inihayag ng suspek na sa bahay pa mismo ng gobernador plinano ang krimen at doon din ibinigay sa kaniya ang baril na ginamit sa krimen. Magugunita na si Bedolido ay pinatay noong gabi ng Hunyo 19 sa Digos City, Davao del Sur sa labas ng karaoke bar habang bumibili ng sigarilyo.