KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines — Sinalakay ng mga awtoridad ang isang beerhouse na pinaniniwalaang pugad ng prostitusyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang katao kabilang ang may-ari ng naturang establisimyento sa Brgy. Caingin, Bocaue, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Agad na sinampahan ng kaukulang kaso ni P/C Insp. Marlon Santos ang mga naaresto na sina Marilyn Bangcong, may-ari ng Sir Geos Resto bar at residente ng Brgy. Bunlo, Bocaue, mga GRO na sina Maritess Atienza stay-in sa naturang bar, Kim Tan, 24; Joan Alfred Kho 21 at Jonalyn Villanueva 24; pawang ng lalawigang ito.
Bandang alas 11:15 ng gabi ay nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group hinggil sa lantarang pagbebenta ng laman sa mga kostumer sa naturang establisimyento at agad na nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakaresto ng limang babae. Napag-alaman din na walang kaukulang municipal health permit ang mga inarestong babae na hinihinalang nagtataglay ng sexually transmitted disease.