Mayor huli sa gun ban
GUINYANGAN, Quezon, Philippines —Naaresto ng mga awtoridad ang alkalde ng bayang ito dahil sa paglabag sa umiiral na gun ban kamakalawa ng gabi sa barangay Sumulong.
Sumasailalim sa imbestigasyon si Mayor Angel Ardiente Jr. dahil sa nahuli ditong mga armas ng masita ang sasakyan nito sa isang checkpoint bandang alas-10:45 kamakalawa ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung lumabag sa ipinaiiral na gun ban si Mayor Ardiente dahil sa dalang mga baril sa loob ng kanyang Nissan Urvan na may plakang SGX-888 nang masita sa checkpoint.
Bukod sa alkalde ay lulan din ng sasakyan ang mga tauhan nitong sina Pablito Rodriguez, Jones Cambronero, Vicente Amar, Jason Nosquial at Rufo Proceso.
Ang nahuling mga baril sa loob ng sasakyan ng alkalde ay isang baby armalite na may 9 na magazine, 1 MK9 machine pistol, dalawang kalibre 45 baril at mga bala.
Nagsasagawa ng checkpoint ang pinagsanib na elemento ng Provincial Intelligence Branch ng PNP at Quezon Provincial Public Safety Company sa barangay Sumulong ng mapansin ng mga ito ang baril sa loob ng sasakyan ng alkalde. Inaalam pa ng mga awtoridad kung mayroong gun ban exemp tions ang mga baril ng alkalde.
- Latest
- Trending