MANILA, Philippines - Hindi na nagising ang anim na miyembro ng pamilya matapos na pagbabarilin ng mga armadong grupo sa loob ng kanilang bahay sa naganap na madugong clan war sa Barangay Panglahayan sa bayan ng Patikul, Sulu noong Miyerkules ng gabi.
Kabilang sa mga napaslang na may apelyidong Aroh ay sina Karah, Ganday, Delhana, Aldimar, Nurwina, at si Lorwina Aroh.
Isinugod naman sa Sulu Provincial Hospital ang mga sugatang sina Narcisa Aroh at Nidzfar Ikson.
Sa phone interview, sinabi ni P/Supt. Joseph Ramac, bandang alas-7 ng gabi nang ratratin ng limang armadong kalalakihan ang tahanan ng mga biktima na magkakatabing natutulog.
Tinukoy naman ni Ramac ang tatlo sa limang suspek na sina Imbay Hamed, Said Hamed at si Hadam Hamed na kasalukuyang tugis ng pulisya.
Base sa imbestigasyon, nag-ugat ang krimen matapos na sunugin ng mga kalalakihang mula sa pamilya Aroh ang bahay ng mga Hamed kung saan isa sa asawa ng mga suspek ay sinasabing ginahasa pa ni Aldimar.
Nagkalat naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng M16 Armalite rifles.