Props sa cheer dance competition sumabog..., Choreographer putol-kamay, 51 sugatan
ZAMBALES, Philippines — Umaabot sa 52-katao na karamihan ay estudyante ang iniulat na nasugatan matapos sumabog ang mga pyrotechnics na may gunpowder ang idinaos na cheer dance competition sa intramural sa bayan ng Subic, Zambales noong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Inspector Nelson de la Cruz, hepe ng Subic PNP, naganap ang pagsabog sa intramural ng Colegio de Subic kung saan apat na estudyante ang nasa kritikal na kalagayan kabilang ang naputulan ng kamay na dance choreographer na si Ferdinand Telmo.
Naisugod naman ang mga biktima sa James Gordon Hospital at Our Lady of Lourders Hospital.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ginamit ang pulbura ng bala ng baril bilang props na sinasabing patalbugan sa cheer dance ng mga estudyante.
Napag-alamang itinataktak ni Telmo ang pulbura sa katol na nasa flooring nang kumislap at habulin ng apoy ang boteng may gunpowder na hawak nito kung saan sumagitsit na nadamay ang iba pang boteng may gunpowder na magkakasunud na sumabog.
Posibleng kasuhan ang administrasyon ng nasabing kolehiyo dahil pinayagan ang sangkaterbang gunpowder na gamitin bilang props.
- Latest
- Trending