Bata itinali sa balsa saka ipinaanod sa ilog ng sadistang ama

MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na batang lalaki na itinali sa balsa at ipinaanod sa ilog ng sadista nitong ama ang nailigtas sa Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa.

Natagpuan ng guwardyang si Rey Villamor ng Agriwood Development and Resources Corporation at ng isang Leopoldo Burian ang hindi pinangalanang bata na lumulutang sa Agusan River sa bahagi ng boundary ng Barangay Pagatpatan at Agusan Pequeao sa naturang lungsod.

Ayon sa guwardiya napalingon siya sa ilog at laking gulat niya ng matanawan ang batang nakatali sa balsa habang inaanod ng agos.

Agad na sumaklolo ang nasabing guwardiya at si Burian na agad iniligtas ang nasabing biktima.

Nasa state of shock pa ang bata nang dalhin sa pulisya subalit naisalaysay nito na nagalit sa kanya ang kanyang ama kaya’t itinali siya sa balsa at ipinaanod.

Sa pagtaya, umabot ng 12 oras bago nailigtas ang bata na unang ipinaanod sa Barangay San Vicente, 10 kilometro ang layo kung saan ito nailigtas.

Nakatakda namang sampahan ng kaso ng pulisya ang hindi muna tinukoy na ama habang isinailalim ang bata sa kustodiya ng DSWD.

Show comments