MANILA, Philippines - Patay ang isang pinaghihinalaang notoryus na holdaper, habang sugatan naman ang dalawang pulis sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig sa Brgy. San Isidro, Cabuyao, Laguna nitong Biyernes ng gabi. Kinilala ang napatay na suspect sa pamamagitan ng identification card nito na si Nemar Sanchez, ng Alaminos, Laguna. Pakay naman ng pagtugis ng mga awtoridad ang isa nitong kasamahang nakatakas bitbit ang P 80,000 cash na tinangay ng mga ito mula sa biktimang si Flaviano Dizon, 53 na hinarang ang sasakyan at hinoldap ng mga suspect. Isinugod naman sa Ospital ng Cabuyao ang sugatang sina Supt. Dante Novicio, hepe ng Sta. Rosa City Police Office at PO1 Lydio Jajara. Ayon kay Sr. Supt. Gilbert Cruz, Provincial Police Office (PPO) Director ng Laguna, dakong alas-6:20 ng gabi ng masukol ng tumutugis na elemento ng Cabuyao Police ang mga holdaper sa kahabaan ng NIA Road, Brgy. San Isidro, Cabuyao, Laguna. Bago ito ay hinarang ng mga suspect ang Pajero ng mag-asawang sina Dizon at misis nitong si Belen Lapuz-Dizon sa Brgy. Gulod, Cabuyao, Laguna saka nagdeklara ang mga ito ng holdap. Nagresponde naman ang Cabuyao Police at tinugis ang mga suspect na nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad kung saan pina putukan rin ng mga suspect ang paparating na mobile car ni Novicio na ikinasugat ng nasabing hepe. Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang cal. 45 pistol at ang motorsiklong walang plaka na ginamit ng mga suspek.