Bading tinodas ng 16-anyos na lover
CAVITE , Philippines - — Naliligo sa sariling dugo ng matagpuan ng mga rumespondeng pulis ang isang bading na empleyado ng Department of Agriculture matapos na pagsasaksakin ng gunting at kutsilyo ng bagets na boyfriend at tinulungan pa ng dalawang kasamang kaibigan sa loob ng bahay ng una sa Trece Martirez City, Cavite kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PSupt. Reynaldo Galam, hepe rito kinilala ang nasawi na si Ricardo Mojica, 50, empleyado ng Department of Agriculture sa Naic, Cavite at residente ng B-2, L-18 Regina Ville Executive, Brgy. De Ocampo, Trece Martirez City.
Agad namang naaresto ang mga kabataang suspect na itinago sa pangalang Joey, umanoy lover ng nasawi, Joel at Jessie, pawang mga 16-anyos.
Sa imbestigasyon ni PO1 Eugene Baird, dakong alas-2:00 ng madaling araw ng itawag sa kanila ng isang residente ang tila nagkakagulong mga kalalakihan sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Agad na rumesponde ang pulis at doon ay nakita ang nagtatagong sina Joel at Jessie sa loob ng kusina habang nasa loob naman ng banyo si Joey kasama ang biktimang tadtad ng saksak sa katawan na agad ding isinugod sa General Mariano Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga manggagamot.
Sa pahayag naman ng isang suspek dakong ala-1:30 ng umaga nasa sala umano ang biktima at si Joey habang naglalambingan nang biglang magtalo sa hinalang may ipinagagawa ang biktima sa suspek ngunit tumanggi ang huli na naging dahilan ng pag-aaway ng mga ito.
Dito na umano naburyong ang suspek at agad na kinuha ang gunting at pinagsasaksak ang una at nagawa pang tumulong ng dalawang suspek at magkakatulong ding binuhat ang biktima at dinala sa loob ng banyo.
Narekober naman ang duguang gunting na may habang pitong pulgada sa sala na pinangyarihan ng krimen habang nasa ilalim naman ang duguang kutsilyo na may habang 12 pulgada na ginamit pa rin sa krimen.
- Latest
- Trending