MANILA, Philippines - Walong alagad ng batas ang kumpirmadong napaslang makaraang pasabugan ng landmine at ratratin ng rebeldeng New People’s Army ang patrol vehicle ng PNP sa bulubunduking bahagi ng Barangay New Imelda sa bayan ng Catarman, Samar kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Catarman deputy chief of police Senior Inspector Nicasio San Antonio, SPO3 Junito Julio, SPO1 Juancho Estiron, PO2 Marlon Estrimera, PO2 Marcial Velardi, PO1 Arnel Saludario, PO2 Rodel Balag at si PO1 Edgar Catunhay.
“The victims particularly P/Senior Inspector San Antonio were beyond recognition due to the impact of 2 landmine which exploded simultaneously and followed by a volume of fire,” ani P/Senior Supt. Brigido Unay, provincial director ng Northern Samar Provincial Police Office sa phone interview.
Lumilitaw na nag-report sa himpilan ng pulisya ang isang Editha Natividad kaugnay sa pamamaril at pagpatay ng mga rebelde kay Brgy. Kagawad Rolando Deguia sa nabanggit na barangay.
Agad naman rumesponde ang grupo ng pulisya sa pamumuno ni San Antonio lulan ng Toyota Hi Lux patrol car subalit pagsapit sa bulubunduking bahagi ng nasabing lugar ay sumabog ang dalawang patibong na landmine at kasunod nito ay sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril mula sa rebeldeng nakaposisyon sa gubat.
Samantala, tinangay ng mga rebelde sa pamumuno ni Salvador “Ka Gahi” Nordan sa kanilang pagtakas ang pitong baril ng mga pulis at apat na M16 Armalite rifles. Inilatag na ang hot pursuit operations ng PNP at Army’s 802nd Infantry Brigade ni Col. Oscar Lopez at 803rd Infantry Brigade ni Col. Arnulfo Atendido dala ang mga K9 dog kung saan may back-up na elite forces ng Scout Rangers, K 9 teams, gamit ang 2 helicopter laban sa grupo ni Nordan.