Mayor, misis nakaligtas sa ambush
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang alkalde at maybahay nito matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan kamakailan sa Lucena City.
Ayon kay Sr. Supt. Eliseo Rasco, CIDG-Region 4-A director, ang nakaligtas sa ambush ay si Mayor Joselito Alega ng San Francisco, Quezon at ang maybahay nitong si Elvira.
Lulan ang mga biktima ng kanilang Isuzu Altera na may plakang NOP-879 at minamaneho ni Ber nabe Jorquia at tinatahak ang Maharlika Highway sa Barangay Silangan Mayao, Lucena City bandang alas-3:00 ng hapon noong Huwebes nang biglang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan ng 3 hindi nakilalang kalalakihan.
Mabilis namang pinatakbo ng driver ang kanilang sasakyan palayo sa nasabing lugar at nakatakas sila sa mga nais pumaslang sa alkalde.
Himalang nakaligtas ang mag-asawa sa ambush gayundin ang kanilang driver. Inaalam ng pulisya ang motibo ng pananambang.
- Latest
- Trending