3 nalunod sa lumubog na bangka

BINANGONAN, Ri­zal, Philippines — Tatlo katao ang na­sawi makaraang malunod nang lumubog ang sina­sakyan nitong pampa­sa­herong bangka nang mag-panic ang mga sakay nito sa biglang pagbuhos ng malakas na ulan at ma­lalaking alon, kamakalawa ng hapon sa bayang ito.

Nakilala ang mga na­sawi na sina Joemar Ra­dam, 18, ng Cainta, Rizal; Bernard Mondalis, 40; at Junie Baroso, 35, kapwa ng San Carlos City, Panga­sinan. Narekober naman ang mga bangkay nito na naibigay na sa kustodiya ng mga kaanak.

Sa ulat ng pulisya, na­ganap ang insidente da­kong alas-4:20 ng hapon sa Laguna de Bay may 700 metro ang layo sa Pritil wharf sa naturang bayan. 

Nabatid na may lulang higit sa 40 pasahero ang pampasaherong bangkang may tatak na “Arzon”. Bu­hat umano sa pakikipa­miyesta sa Talim Island ang mga pasahero nang ma­ganap ang trahedya.

Sinasabing nag-panic ang mga pasahero ng bangka nang biglang umu­lan at hampasin ng mala­lakas na alon ang bangka dagdag pa ang nadis­kubreng butas.

Nag-unahan umano ang mga pasahero sa liku­rang bahagi ng bangka at nag-agawan sa “life vests” na naging dahilan upang mawalan ng balanse at tumaob ito.

Agad namang rumes­ponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at iba pang volunteers kung saan nasagip ang nasa 45 pang sakay ng bangka.

Show comments