LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Matapos ang ilang araw na pagpapalutang-lutang sa karagatan nang wasakin ng alon at lumubog ang kanilang bangka sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Basyang, nasagip ng search and rescue team ng militar ang pitong mangingisda sa magkakahiwalay na insidente sa Bicol Region. Ayon kay Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Harold Cabunoc, tatlong survivor ang nailigtas sa bahagi ng karagatan ng Butauanan Island, Siruma, Camarines Sur na naispatan ng helicopter ng Philippine Air Force (PAF). Kinilala ang tatlong survivors na sina Brandy Encontro, Victor Bordeos at Abril Orbe; pawang ng Jose Panganiban, Camarines Norte. Sa isa pang insidente, apat pang mangingisda ang nasagip naman sa bahagi ng karagatan ng Gigmoto, Catanduanes na sina Antonio Tayoto, 40, Marlon Tayoto, 35, Alex Azicate, 30 at Jason Arcilla, 18. Magugunita na noong nakalipas na Hunyo 13 ay binayo ng bagyong basyang ang ilang rehiyon sa bansa kabilang ang Kabikulan.