300 kawani ng kapitolyo pinalis
BULACAN, Philippines — Aabot sa 300 kontraktwal ng kapitolyo ng Bulacan ang iniulat na mawawalan ng trabaho simula sa Huwebes.
Ito ay dahil magtatapos ngayon ang 7-araw na palugit na ipinagkaloob sa kanila makaraang magtapos ang kanilang kontrata noong Hunyo 30.
Base sa PHRMO -2010-11 na may petsang Hulyo 1 ni Cynthia Abiol, hepe ng Provincial Human Resource Management Office, ang mga pinuno ng tanggapan at mga kawaning pansamantala, casual, at job order na katayuan ay binigyan ng 7- araw na ekstensyon na matatapos sa Hulyo 7.
Hindi naman kasama sa sinibak ang mga kawani na nasa pampublikong pagamutan sa Bulacan.
Ayon sa memorandum, maaari pa ring mag-apply sa kanilang binakanteng posisyon ang mga kawaning sinibak sa trabaho.
Pansamantalang isinantabi muna ang pagtatanggal sa may 180 kawani ng mga pagamutan na kinabibilangan ng mga doktor at nurse dahil lubhang kailangan ang serbisyo ng mga ito.
Dahil dito, umaabot lamang sa 280 posisyon ang mababakante simula sa Huwebes.
Kabilang sa mga mababakanteng posisyon ay ang mga tanggapan ng environment and natural resources, legal, assessor, provincial warden, civil security, provincial administrator, chief of staff, provincial public affairs office, at general services office.
Kaugnay nito, patuloy naman ang paghahanap ni Bulacan Gob. Willy Alvarado ng mga taong may kakayahan na maaring mamuno sa mga nabanggit na tanggapan.
- Latest
- Trending