MANILA, Philippines - Ipinasa na sa ibang kidnapping group ang anak na lalaki ni Comelec Commissioner Elias Yusoph na binihag sa Lanao del Sur, ayon sa opisyal ng militar kahapon.
Ayon kay Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino, ito ang dahilan kaya humihingi ng P25 milyong ransom ang panibagong grupong may hawak sa 24-anyos na si Nuraldin Yusoph.
Ang mga kidnaper ay nakipag-ugnayan na rin sa pamilya ng biktima at nagpakita ng proof of life ng nasabing bihag.
Nabatid na ang biktima ay inilipat ng taguan sa iba’t ibang lugar sa Marawi City at mga karatig pook kaya hirap ang rescue team na matukoy ang kinaroroonan ng bihag dahil sa kakulangan ng kooperasyon ng mga sibilyan.
Binihag si Nuraldin habang nagdarasal sa mosque sa Marawi City noong Hunyo 24.