Kidnappers ni Yusoph humingi ng P25-M ransom
MANILA, Philippines - Humihingi na ng P25 milyong ransom ang mga kidnappers ng anak ni Comelec Commissioner Elias Yusoph na dinukot sa Marawi City, Lanao del Sur mahigit isang linggo na ang nakalilipas.
Ang 24 anyos na bihag na si Nuraldin Yusoph ay hawak pa rin ng mga kidnappers na unang humiling ng pagbasura ng resulta ng eleksyon sa mga bayan ng Malabang, Picong, Taraka at Masiu sa Lanao del Sur.
Batay sa report na na kalap ng mga awtoridad, ipinarating ng mga kidnappers sa pamamagitan ng emisaryo ng mga ito na palalayain lamang ang bihag kung mapapasakamay nila ang tumataginting na P25 M ransom.
Una nang kinumpirma ni Mindanao Development Authority Chairman Jesus Dureza ang pag hiling ng ransom subalit tumanggi itong ihayag ang halaga.
Nanindigan din ito sa kanilang no ransom policy sa pagresolba sa insidente.
Tiniyak naman ni Dureza ang “military and police pressure” laban sa mga kidnappers ng biktima.
Magugunita na ang batang Yusoph ay dinukot ng mga armadong kalalakihan habang nagsisimba sa mosque sa Marawi City noong Hunyo 20. Joy Cantos with trainee Mary Ann Chua
- Latest
- Trending