P10-milyong cocaine nasamsam sa Cavite
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Tiklo ang mag-asawang Samareño matapos makumpiskahan ng 2-kilong cocaine sa isinagawang operation ng mga ta uhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bayan ng Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Inspector Christopher Abrajano, hepe ng PDEA Region 4-A ang mga suspek na sina Miguel at Emperatriz Montances, kapwa 57, tubong Samar at nakatira sa Phase 2, San Rafael Villa, Barangay Habay, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa report, naaresto ang mag-asawa sa inilatag na buy-bust operation ng PDEA sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Niog bandang alas-10 ng gabi.
Sinasabing sinubukan pa ng mag-asawa na iligaw ng ilang beses ang mga tauhan ng PDEA sa pamamagitan ng pagpapalit ng lugar ng kanilang isasagawang bentahan ng bawal na droga.
Lumilitaw na nagkasundo ang poseur-buyer ng PDEA at ang mag-asawa sa halagang P8-milyon cash kapalit ng dalawang kilong cocaine na sinasabing nagmula pa sa South America lulan ng Chinese vessel kung saan itinapon sa Pacific Ocean nang makatunog na masisita sila sa bahagi ng Hong Kong hanggang sa mapadpad sa laot ng Samar.
Pinaniniwalaang may mga kasabwat na prominenteng personalidad at ilang tiwaling pulis ang mag-asawa sa pagpapakalat ng bawal na droga.
Kasalukuyang nakapiit at sumasailalim sa imbestigasyon ang mag-asawa sa Camp Vicente Lim para harapin ang kasong paglabag sa Republic Act 9165. Dagdag ulat ni Ed Amoroso
- Latest
- Trending