12 opisyal ng kooperatiba kinasuhan
BULACAN , Philippines – Labindalawang opisyal at kawani ng kooperatiba sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan ang wanted sa kasong estafa matapos magpalabas ng warrant of arrest ang mababang korte may dalawang buwan na nakalipas.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nina Judge Basilio R. Gabo Jr. ng Malolos City Regional Trial Court Branch 11 at Judge Olivia Escudo-Samar ng Malolos City Regional Trial Court Branch 79 ay walang piyansang inirekomenda laban kina Miguela Mendoza, Felix Santos, Dr. Marcelino Mateo, Rodolfo Perez, Damaso Villanueva, Felicisimo Nieto Sr., Maria Dolores Capili, Arcadio Barles, Elenita Avanceña, Elsa Tuazon, Santiago Teodoro at si Bernaditas Santos.
Ang mga akusado ay pawang opisyal at kawani ng St. Mary’s Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Poblacion sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Nag-ugat ang kaso matapos magreklamo ang dalawampung kaanib ng kooperatiba kaugnay sa P8 milyong idiniposit na hindi naibalik sa kanila.
Sa kasalukuyan ay hinihintay pa ng mga biktima ang limang warrant of arrest na nakatakdang ipalabas ng iba pang korte laban sa mga akusado.
Naghain din ng Hold Departure Order ang mga biktima para hindi makaalis ng bansa ang mga akusado.
- Latest
- Trending

















