MANILA, Philippines - Limang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army ang nasawi habang marami pa ang sugatang tumakas matapos ang palpak na raid sa isang himpilan ng pulisya sa bayan ng Cateel, Davao Oriental nitong Biyernes ng hapon.
Base sa report ng Police Regional Office (PRO)11, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina na nasa 50 rebelde sa ilalim ng Guerilla Front (GF) 20 ang sumalakay sa detachment ng 11th Regional Safety Management Battalion (RSMB) sa Sitio Tagadao, Brgy. Poblacion, Cateel dakong ala-1:10 ng hapon.
Agad naman ang mga itong sinagupa ng naka alertong puwersa ng mga awtoridad.
Nasugatan sa insidente ang tatlong pulis na sina PO1’s Lino Layese, Mario Renjuijo at PO2 Cesar Camomot pero matagumpay na naitaboy ang mga rebelde na nagsitakas bitbit ang mga nasugatan nilang kasamahan.
Samantala, matagumpay namang nakubkob ng tropa ng Army’s 61st Infantry Battalion (IB) ang isang malaking kampo ng mga rebelde sa operasyon sa Brgy. Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental dakong alas-6 ng umaga kamakalawa.
Bandang alas-8:45 naman ng umaga nitong Biyernes ay nakasagupa ng tatlong teams ng Scout Ranger Company at ng 11th Infantry Battalion ang grupo ng NPA rebels sa pamumuno ni Ka Ryan sa Sitio Igpapatao, Brgy. Tacpao, Guihulngan, Negros Oriental.
Ayon kay Col. Max Caro, Commander ng Army’s 303rd Brigade, apat sa kaniyang mga tauhan ang nasugatan sa engkuwentro at pinaniniwalaan namang marami ang nalagas sa panig ng mga kalaban.