MANILA, Philippines - Matapos mapatay ang isang brodkaster sa Davao Oriental noong Lunes, isa na namang radio broadcaster ang iniulat na napaslang sa kahabaan ng national highway ng Barangay Barit, Laoag City, Ilocos Norte kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Supt Ulysses Abellar, kinilala ang panibagong brodkaster na si Joselito Agustin, 37, ng dzJC Aksyon Radyo sa Laoag City.
Si Agustin na kilala sa tawag na Aksyon Lito ay tinambangan sa hangganan ng Barangay Barit habang kaangkas nito sa motorsiklo ang kaniyang pamangking si Joseph Agustin, 22, na nadaplisan ng bala sa paa, kamay at binti.
Lumilitaw na papauwi na si Agustin mula sa radio program nang mag-overtake at ratratin ng motorcycle-riding gunmen ang biktima.
Noong Mayo 7, 2010 ay nauna na ring niratrat ang bahay ni Agustin sa Brgy. Natba, Bacarra matapos ang walang puknat nitong pagbanat sa illegal mining operations.
Ipinag-utos na ni PNP chief, Director General Jesus Verzosa ang pagbuo ng bagong task force na pamumunuan ni P/Senior Nestor Felix.
Agad namang umalma ang Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) sa ikalawang insidente ng media killings sa loob lamang ng 24-oras makaraang mapatay ang isa ring brodkaster na si Desidario Camangyan noong Lunes ng gabi sa Manay, Davao Oriental.
Tahasang sinabi ng presidente ng KBP na si Herman Basbaño, na ang pagpaslang sa dalawang brodkaster ay isang malaking dagok sa malayang pamamahayag sa bansa.
Sa tala naman ng National Union of Journalists of the Philippines, umaabot na sa 137 mamamahayag ang pinatay simula noong 1986 kabilang ang 104 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Arroyo.