PANGASINAN , Philippines — Napaslang ang isang barangay chairman samantalang sugatan naman ang kanyang kasamang barangay kagawad matapos barilin ng motorcycle-riding gunmen kamakalawa ng tanghali sa bahagi ng Avenida-Rizal East sa Barangay Poblacion sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.
Napuruhan sa dibdib si Chairman Edwin de Guzman, 40, ng Barangay Tumbar samantalang sugatan naman si Kagawad Arthuro Aguilando, 60, ng Barangay Balococ sa nabanggit na bayan. Lumilitaw sa pagsisiyasat na sumakay si De Guzman sa likuran ng barangay patrol car habang kaharap nito si Aguilando sa loob ng sasakyan.
Habang nag-uusap ang dalawa ay dumating ang motorsiklo na lulan ang dalawang ‘di-kilalang lalaki at binaril sa likuran si De Guzman kung saan tumagos ang bala sa dibdib at tumama naman sa tiyan ni Aguilando.
Hindi na umabot ng buhay si De Guzman sa Don Mariano Verzosa Memorial Hospital habang naisugod naman si Aguilando sa Sto. Niño Hospital. Inaalam pa rin ng mga imbestigador ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpaslang.