BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Labing-anim katao ang iniulat na nasugatan matapos magsalpukan ang aircon bus at kasalubong na cargo truck sa kahabaan ng national road sa Barangay Malapat, Cordon, Isabela kamakalawa ng umaga.
Ayon sa ulat, naitala ang aksidente dakong alas-7 ng umaga matapos mag-overtake sa kurbadang bahagi ng kalsada ang Victory Liner Bus na may body number 1623 na naging dahilan upang sumalpok sa kasalubong na cargo truck na may plakang RDE 896.
Kinilala ni P/Chief Inspector Calayan, hepe ng Cordon PNP ang ilan sa mga sugatan na sakay ng bus na sina Nerissa Parungao, officer ng LBP Santiago City; Jimmy De Liborio, election officer ng Alfonso, Castañeda, Nueva Vizcaya; mag-asawang Alfredo at Wilma Flores ng Echague, Isabela; Ramon Hibun, technical team ng ABS-CBN, Quezon City at si Gervin Mendoza ng Calumpang, Marikina.
Maliban sa labing-apat na pasahero ng bus ay sugatan din ang driver ng cargo truck na si Carlos Acierto at truck helper na si Johnny Taguinod na kabilang na isinugod sa De Vera Medical Center sa Santiago City.
Bumaliktad at sumadsad sa bukid ang bus habang ang cargo truck na pag-aari ni Juanito Tio ng Valiant Rice Mill sa Cabanatuan ay nawasak ang harapan at tumapon ang mga kaban ng bigas na dadalhin sana sa Metro Manila.
Mabilis namang tumakas ang drayber ng bus na si Garry Lumipig ng Tabuk, Kalinga matapos ang aksidente.