BULACAN , Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang kawani ng kompanya makaraang madurog ang kalahati ng katawan na nagulungan ng trailer truck sa Barangay Saog sa bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Namatay si Ben Hur Buncay, 28, habang himala namang nakaligtas sa kamatayan sina Jonel Tonel, 22; at Lea Adornado 19, pawang mga kawani ng Datu Puti Mfg. Corp sa Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan.
Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng trailer truck na si Hermie Antonio, 45, ng Cabanatuan City, Nueva Ecija. Ayon kay PO2 Edgardo Tongol, magkakaangkas ang tatlo sa motorsiklo (2517 CS) patungong bayan ng Bocaue mula sa Barangay Lambakin nang mahagip ng truck (CWU 761) sa kurbadang McArthur Highway sa Brgy. Saog.
Napag-alamang hiniram lang ni Buncay ang nawasak na motorsiklo kay Francisco Galope at natuklasan din na walang driver’s license ang biktima.