4 katao nilamon ng tubig-alat
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Apat-katao kabilang ang isang batang lalaki ang kumpirmadong nasawi makaraang lumubog ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Fuga Island, sa Aparri, Cagayan noong Linggo ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Inspector George Cablarda, hepe ng Aparri PNP, ang mga nalunod na sina Maricon Fernando, Dionisio Pancho, Maria Pancho at isang hindi pa nakikilalang bata na pawang mga nakatira sa nabanggit na isla.
Nabatid na patungo sana sa bayan ng Claveria, Cagayan ang bangkang M/V Cosme na pag-aari ni Bernie Cosme mula sa Sitio Calinebneb nang balyahin ng malaking alon pagsapit sa gitna ng karagatan.
Ayon sa ulat, overloaded ang isa sa dahilan kung kaya’t lumubog ang bangka, subalit ayon sa pulisya, aalamin pa nila ang sanhi ng paglubog. “We are still investigating the cause of the sinking,” pahayag ni Cablarda
Base sa ulat, ang isla ng Fuga ay isa sa mga isla na bumubuo sa Ba buyan Group of Island kung saan nagsasalubong ang South China Sea at Pacific Ocean.
- Latest
- Trending