Marahas na demolisyon kinondena
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines – Nagsama-samang kinondena ng mga kawani, magulang at mga mag-aaral ang marahas na demolisyon ng isang kolehiyo sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Ayala Land, Inc. (ALI), noong Sabado ng umaga.
Sa kilos-protesta na ginanap noong Linggo ng umaga sa harap ng ginibang gusali ng eskwelahan, kinondena ni Ansbert Joaquin, deputy administrator ng Comteq Computer and Business College ang mga opisyal ng SBMA sa pagpayag na wasakin ng Ayala Land ang mga gusaling nakapaloob pa sa balidong kontrata upang makapagsimula na ang proyekto na itatayong mall.
“Hindi lang ito kaso ng ilegal demolition sa bahagi ng Ayala Land. Kaso ito ng kurapsyon sa SBMA dahil pinayagan nila ang Ayala Land na sirain ang gusali na legally ay amin,” pahayag ni Joaquin.
Nabatid na ipagpapatuloy ang demolisyon sa Linggo, kung saan ang mga opisyal ng eskwelahan ay walang kakayahang kumuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa korte.
“Ang ipinagtataka namin ay kung bakit pinayagan ng pamunuan ng SBMA ang demolisyon, samantalang tiwala kaming nakikipag-usap sa kanila ang kinauukulan para sa matiwasay na paglipat sa ibang lokasyon,” dagdag pa ni Joaquin. Gayon pa man, sinabi ni Joaquin na patuloy na maninindigan ang administrasyon ng kanyang eskwelahan na labanan ang pag-aabuso ng mga opisyal ng SBMA hinggil sa isyu na ito.
Aabot sa 500 estudyante ang kasalukuyang naka-enroll sa Comteq na posibleng mahinto sa pag-aaral kung ipagpapatuloy ang demolisyon.
- Latest
- Trending