MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na napaslang makaraang mauwi sa barilan ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga pulis at sundalo sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Bacoor, Cavite kahapon ng hapon.
Sa teleconference ng Task Force HOPE sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-2:30 ng hapon sa labas ng himpilan ng pulisya sa nabanggit na bayan.
Kinilala ang napatay na sina ret. Col. Arnulfo Obillo, Chief of Staff ni congressional bet Plaridel Abaya, at Marines Sgt. Juanito Paraiso.
Samantalang arestado naman ang isang sundalo na kumupkop kay Abaya para makaligtas sa insidente.
Isinugod naman sa St. Dominic Hospital ang sugatang si PO2 Emmanuel Gacosta ng Bacoor PNP at ang anak ni Abaya na nasa kritikal na kondisyon.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ng pulisya, lulan ng van ang grupo ni Abaya nang magtungo sa himpilan ng pulisya kaugnay sa ilan nilang supporter na nakapiit.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay namataan ni Abaya ang isang 60 caliber machine na hawak ng pulis kaya sinita nito kung saan nagkainitan hanggang sa magkatutukan ng baril ang grupo ng mga pulis.
Gayon pa man nakatakbo naman ang isang pulis at inalerto ang mga kasamahan niyang pulis sa loob ng presinto.
Nagresponde naman ang mga kasamahang pulis at nakipagbarilan sa grupo ni Abaya kung saan bumulagta ang apat.
Magugunita na ipinaiilalim ni Abaya sa Comelec control ang Bacoor subalit may pumigil sa hindi mabatid na dahilan.